MANILA, Philippines — Sisibakin sa serbisyo ang sinumang pulis na mahuhuling tuwing kinsenas at katapusan ng buwan o tuwing kukuha ng suweldo lamang nagpapakita sa opisina.
Ito ang mariing babala kahapon ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde.
Ang naging hakbangin ni Albayalde ay bunsod sa reklamo laban sa ilang kapulisan na nagpapakita lamang kung kinsenas at katapusan o araw lamang ng suweldo, na mas kilala sa tawag na “15-30”.
Sinabi ni Albayalde, na paiimbestigahan niya ito at sinumang pulis na mahuhuling mga “15-30” ay mananagot.
Kung saan mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo at maaari aniya silang masibak sa kanilang serbisyo.
Nabatid pa sa naturang opisyal, na mawawalan ng bonus ang sinumang pulis na masususpinde habang iniimbestigahan ang alegasyon dito.