Hagupit ni Basyang: 5 patay!
MANILA, Philippines — Lima katao ang nasawi kabilang ang tatlong miyembro ng isang pamilya na natabunan sa landslide habang nakaligtas naman ang padre de pamilya sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Basyang sa Caraga Region, ayon sa pinagsamang ulat ng mga opisyal kahapon.
Sa report ni Caraga Police (PRO)-13 Regional Director P/Chief Supt. Noli Romana, bandang alas-4 ng madaling araw nitong Martes nang magkaroon ng landslide na tumabon sa isang bahay na nasa tabi ng isang mining site sa Brgy. Gamuton, Carrascal, Surigao del Sur.
Sa nasabing insidente, nasawi ang 33-anyos na ina na kinilalang si Irene Benguillo at dalawa nitong anak na sina AJ Benguillo, 6, at ka-pamilya na si MK Benguillo, 23 anyos. Samantala, isinugod sa pagamutan ang mister ni Irene na James Benguillo, 33, fish vendor na siyang tanging survivor sa pamilya.
Ang isa pang nasawi ay isang 10 anyos na batang babae na si Rosaline Gabeligno na tinangay ng flashflood sa Brgy. Anislagan, Placer, Surigao del Norte dakong alas-7 ng umaga nitong Martes.
Namatay din sa landslide ang 2-buwang sanggol na si Christian Jake Tumandao dakong alas-2 ng hapon nitong Martes sa Brgy. San Pedro, Albuera, Leyte habang nasugatan ang ina nitong si Janessa Tumandao, at dalawang anak na sina Rex Tumandao, 3 anyos at Kim Tumandao, 7.
Ang bagyo ay nag-landfall o tumama sa kalupaan sa bayan ng Cortes, Surigao del Sur pasado alas-9 ng umaga kahapon.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Romina Marasigan, na may 528 pamilya o kabuuang 1,829 katao ang inilikas sa Surigao del Sur at Surigao del Norte na nanunuluyan sa 17 evacuation centers.
Samantala, naitala ng Philippine Coast Guard (PCG) na nasa 3,982 pasahero ang stranded sa iba’t ibang mga pier o pantalan sa bansa dahil kay Basyang nakaramihan ay sa Eastern Visayas at Southern Visayas.
May 616 rolling cargo ang nabalam habang hindi naman nakapaglayag ang 53 barko at 186 motor banca dahil sa bagyo.
Samantala, kinansela kahapon ang may 12 domestic flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at pabalik na biyahe nito dahil sa sama ng panahon dulot ng bagyong Basyang.
Sa ulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), nagland-fall kahapon sa bansa si Basyang. Alas-2 ng hapon, ito ay nasa layong 60 kilometro ng timog ng Maasin City, Southern Leyte taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 55 km bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na nasa sa 80 km bawat oras. Ito ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 27 kilometro bawat oras.
Ngayong Miyekules, si Basyang ay nasa layong 95 kilometro ng timog silangan ng Puerto Princesa City, Palawan at sa Huwebes ay nasa layong 165 kilometro ng timog silangan ng Pagasa Island, Palawan.
Sa Biyernes, si Basyang ay inaasahang lalabas na Phl area of responsibility.
- Latest