MANILA, Philippines — Pinatatalsik sa pwesto ng Office of the Ombudsman si Cebu 3rd District Rep. Gwendolyn Garcia kaugnay ng maanomalyang pagbili sa Balili property noong gobernador pa siya.
Inutusan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales si Speaker Pantaleon Alvarez na ipatupad ang dismissal order matapos magkasala si Garcia ng grave misconduct.
Bukod sa pagpapatalsik sa pwesto, pinadidiskwalipika na rin ng Ombudsman si Garcia na humawak ng anumang pwesto sa gobyerno at tatanggalan din siya ng benepisyo.
Binili ni Garcia ang lupa na may lawak na 249,246 metro kwadrado sa Tinaanm Naga, Cebu noong Hunyo 11, 2008 sa halagang P98,926,800.
Nalaman kalaunan na ang 196,696 metro kwadrado na parte ng lupain ay underwater at parte ng bakawan.
Nagkaroon ng public bidding noong Abril 2012 para sa supply at delivery ng mga bakawan kung saan naibigay ang kontrata sa Supreme ABF Construction.
Lumabas sa imbestigasyon na walang kapangyarihan si Garcia mula sa Sangguniang Panlalawigan nang ibigay niya ang kontrata sa ABF Construction.
“While this Office finds merit on her assertion that the P50 million allotment for the airport/seaport and other economic enterprise site development program (a capital outlay expenditure that was carried over to the 2012 Annual Budget of the province), was a valid source of appropriation for the Balili project, such appropriation did not validly confer authority to respondent Garcia to enter into a contract with ABF Construction for the Balili project,” nakasaad sa hatol ng Ombusdman noong Enero 15, 2018.
“She failed to point out the specific provision in the appropriation ordinance which supposedly authorized her to enter into the contract,” dagdag nito.
Bukod kay Garcia ay pinananagot din si provincial accountant Emmanuel Guial sa simple neglect of duty.
Tatlong buwang suspensyon ang hatol kay Guial, ngunit kung siya ay magbibitiw sa pwesto ay kinakailangan niyang magbayad ng multang katumbas ng tatlong buwan niyang sahod.