MANILA, Philippines — Matapos ang anim na magkakasunod na pagtataas sa presyo ng petrolyo, magpapatupad naman ng malakihang rolbak ang mga kumpanya ng langis sa bansa ngayong darating na linggo.
Sa datos buhat sa Department of Energy, inaasahan na tatapyasan ng P1-P1.35 kada litro sa diesel, P1-P1.10 sa kada litro ng gasolina at P.80-P.90 sa kada litro ng kerosene.
Ipatutupad ang pagbabago sa presyo ng produktong petrolyo sa darating na Martes ngunit maaari pang magbago ang nasabing mga halaga depende sa ‘cut-off’ sa presyo ng inangkat na mga imported na langis nitong Biyernes at tinataya tuwing Lunes.
Bago ang inaasahang rolbak, nagpatupad ng anim na sunod na pagtataas sa presyo ang mga kumpanya ng langis mula Enero 1 hanggang Pebrero 6 kasama pa ang idinagdag na bagong excise tax dahil sa TRAIN Law.
Sa naturang anim na linggo, nagkaroon ng pagtataas na P5.90 sa kada litro ng diesel at ?P5.12 naman sa kada litro ng gasolina.
Sa cut-off nitong Pebrero 6, naglalaro ang presyo ng diesel sa Metro Manila mula P36.90-P42.89, sa gasolina naman ay P46.75-P57.77, at sa kerosene ay may presyo mula P43.02-P52.76 kada litro.