MANILA, Philippines — Sisimulan na ng Labor department ang proseso ng pagpapauwi sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na may problema o reklamo sa kanilang mga amo sa Kuwait.
Ito ay kasunod ng anunsyo ni Pangulong Duterte na ipatutupad na ang total ban ng deployment ng OFWs sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng ilang Pinay domestic helpers doon.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na magiging voluntary repatriation ang gagawin at sagot ng gobyerno ng Pilipinas ang gagastusin sa pamasahe ng mga OFW na gustong umuwi na sa bansa.
Nag-ugat ang desisyon ni Pangulong Duterte sa natagpuang bangkay ng Pinay OFW sa loob ng isang freezer at ang pagtanggi ng Kuwaiti government na pumirma sa memorandum of agreement (MOA) para sa dagdag proteksyon ng mga manggagawang Pilipino sa kanilang bansa.
Inamin din ni Bello na hindi na muna matutuloy ang nakatakdang biyahe sana ni Pangulong Duterte sa Kuwait sa darating na Marso.
Kaugnay nito, isang special flight ang ipadadala ng Cebu Pacific para makatulong sa repatriation ng mga OFW sa Kuwait.
Ang sinumang OFW na gustong umuwi sa Pilipinas ay tutulungan ng Cebu Pacific na makabalik ng bansa.
Nakikipag-ayos ang nasabing kumpanya sa Department of Foreign Affairs at sa Embahada ng Pilipinas sa Kuwait sa airlift details at iba pang travel arrangements.
Ihahayag ng CebPac ang iba pang mga mahahalagang impormasyon oras na sa pinal na ang pinag-uusapan.