MANILA, Philippines – “Theatrics, the worst comment I have heard from the religious sector.”
Ito ang reaksyon ni Philippine National Police Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa pahayag ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines na palabas lamang anila ang pagbibitbit ng rosaryo at bibliya ng mga nagpapatupad ng “Oplan Tokhang.”
Sinabi ni dela Rosa na kahit maganda ang kanilang intensyon ay masama pa rin ang tingin sa kanila ng mga pari.
“I will bluntly tell them na ang sama ng tingin nila sa pulis. Theatrics? Ginawa na nga namin ito lahat para ipakita sa inyo na totoo ang aming ginagawa na kami ay makadyos tapos sabihin nyo theatrics,” ani ng PNP chief sa lingguhang pulong balitaan sa Camp Crame.
BASAHIN: ‘Tokhangers’ armado ng rosaryo, bibliya
“Kayo lang ang banal porke kayo ang mga pari, kami mga makasalanan na, hindi kami karapat dapat maghawak ng biblia at magsuot ng rosary?” dagdag niya.
Sinabi ni Eastern Police District director Chief Supt. Reynaldo Biay nitong nakaraang linggo na magiging mapayapa ang kanilang Oplang Tokhang dahil armado ng rosaryo at bibliya ang mga pulis.
Suportado naman ito ni dela Rosa na sa tingin niya ay malaking tulong ito upang kusang sumuko ang drug personalities.
Sa kanila nito ay sinabi ni CBCP executive secretary on committee on public affairs Fr. Jerome Secillano na hindi na naman kailangang dalhin ang rosaryo at bibliya at kung gagawin ito ay palabas lamang.
“Ang sama ng tingi nyo mga pari kayo sa amin na mga Katoliko. Instead na palakasin natin ang ating relihiyon you are trying alienate us from you. Sino masisisi kung bakit maraming umaalis sa Roman Catholic religion, dahil sa ginagawa n’yong pag alienate,” sagot ni dela Rosa.
BASAHIN: Bato to bishops: I can talk to God without you
“I don't know kung itong pari na ito ay namumulitika na. Bakit ganun sila? Sila lang ba may karapatan. Nakakasama ng loob,” dagdag niya.
Muling inilunsad ng PNP ang Oplan Tokhang kung saan sinabi ni dela Rosa na hindi niya maipapangako na walang daranak na dugo.
Nabatikos ang PNP dahil sa kanilang kampanya laban sa ilegal na droga dahil sa rami ng namatay.