Autopsy sa Dengvaxia victims itigil

Iginiit ni Cabral na dapat ay sa mga totoong eksperto ipaubaya ang trabaho at mali din aniya na kaagad  isapubliko ng PAO ang kanilang mga findings dahil hindi pa naman sigurado kung may kaugnayan sa  Dengvaxia ang pagkamatay ng mga bata.  Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Nanawagan si dating Department of Health (DOH) Secretary Esperanza Cabral sa Public Attorney’s Office (PAO) na itigil na ang isinasagawang pag-a-awtopsiya at forensic investigation sa mga bangkay ng mga hinihinalang namatay dahil sa Dengvaxia vaccine.

Iginiit ni Cabral na dapat ay sa mga totoong eksperto ipaubaya ang trabaho at mali din aniya na kaagad  isapubliko ng PAO ang kanilang mga findings dahil hindi pa naman sigurado kung may kaugnayan sa  Dengvaxia ang pagkamatay ng mga bata.

Kasunod ito ng pag­lalabas kamakalawa ng PGH Dengue Investigative Task Force na tatlo lamang sa 14 na nasawing batang mabakunahan ng Dengvaxia ang namatay dahil sa dengue ngunit nilinaw na hindi pa matutukoy kung ang naturang dengue vaccine ang sanhi ng kanilang pagkamatay.

Ayon kay DOH Undersecretary Rolando Enrique Domingo, “Tatlong kaso ang nakitaan ng causal association.  Sila ay namatay sa dengue kahit sila ay nabigyan ng Dengvaxia — dalawa sa kanila ay maaaring dulot ng vaccine failure.”

Sinabi naman ni PGH director Gerard Legaspi na ang tatlo ay nasawi dahil sa “dengue shock syndrome,” at hindi pa masabi kung sanhi nga ito ng bakuna.

“There is no direct evidence for now that the vaccine caused any change in the course of the dengue shock syndrome of the kids,” aniya pa. “Namatay sila dahil sa dengue. Kaya ayun ang declaration ng Task Force, that the cause of death was the dengue shock syndrome and not the vaccine.”

Samantala, lumalabas umano na ang 9 na pas­yente ay namatay sanhi ng ibang sakit bagamat nagkataon na nabakunahan din sila ng Dengvaxia habang ang 2 pa ay di pa tukoy ang cause of death.

Hindi pa naman pinal ang findings na inirekomenda ng PGH panel of experts na kaila­ngan pang magsagawa ng  mas malalimang imbestigasyon.

Kaugnay nito, nanawagan rin si Cabral sa mga magulang ng mga batang nabigyan ng dengue vaccine na huwag munang magpanik at sa halip ay manatiling kalmado habang naghihintay pa ng pinal na resulta ng pagsusuri.

Una nang nagpahayag si PAO Chief Persida Rueda Acosta na mga eksperto ang kanilang forensic team at kung ibabase sa mga nasawing nabakunahan ng Dengvaxia ay pare-pareho ang dinanas na mga pagdurugo sa loob ng katawan at pa­nanakit ng ulo at tiyan.

 

Show comments