Digong: UP studes sisipain!
Dahil sa anti-admin rally
MANILA, Philippines — Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na patatalsikin sa University of the Philippines (UP) ang mga estudyanteng patuloy na magsasagawa ng kilos protesta laban sa kanyang administrasyon.
Ayon sa Pangulo, papalitan niya ng mga estudyanteng Lumad at cultural minorities mula sa Mindanao ang mga patatalsiking estudyante.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag matapos mag-walkout sa kanilang mga klase ang ilang estudyante ng UP Diliman upang makilahok sa National Day of Walkout Against Tyranny and Dictatorship.
Ang rally ay inorganisa ng ilang mga progresibong grupo. Sinabi ng Pangulo na pera ng taumbayan ang ginagamit sa pag-aaral ng mga estudyante sa UP.
Pinuna pa ng Pangulo ang palaging pagsali sa mga rally ng mga esudyante sa nasabing unibersidad. Aniya, kung ayaw pumasok sa eskuwelahan ng mga estudyanteng lumahok sa kilos protesta ay mas mabuti pang tuluyan na silang umalis sa UP dahil mas maraming Pilipino ang nagnanais ng mabuting edukasyon.
Ang mga palagi umanong sumasali sa rally ay bibigyan ng Pangulo ng pagkakataon na huwag pumasok sa school sa loob ng isang taon.
Sinabi rin ng Pangulo na hihikayatin naman niya ang mga estuyanteng Lumad na magagaling sa Math na sumali sa Philippine Military Academy.
Ginawa ng Pangulo ang kanyang talumpati sa harap ng Indigenous People’s Leaders Summit sa Davao City noong nakaraang Huwebes.
Hindi naman nagpatinag ang mga estudyante ng UP sa banta ng Pangulo. Nagbanta pa ang Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP sa gobyerno ng mas malaking kilos-protesta sa Pebrero 23.
- Latest