Bantay-presyo sa bigas ikinasa ng NFA
MANILA, Philippines — Inatasan ni National Food Authority (NFA) administrator Jason Aquino ang lahat ng NFA field officials nito sa buong bansa na magsagawa ng “round the clock” na pagbabantay sa presyo ng bigas sa mga pamilihan at palengke nationwide.
Ito ayon kay Aquino ay upang matiyak na walang magaganap na pagtaas sa halaga ng produktong bigas sa bansa dahil sa Train Law.
“I have instructed our market monitoring teams to quickly spot any unwarranted increase in rice prices,” pahayag ni Aquino.
Sinabi ni Aquino na labag sa batas ang overpricing, profiteering at hoarding ng bigas at tiniyak nito na makakasuhan at mananagot ang mga negosyante na mananamantala.
Kaugnay nito, kakausapin ni Aquino ang mga lider ng grains business upang hingin ang tulong na bantayan ang kanilang hanay at walang magsasamantala sa presyuhan ng bigas.
“There are many rice varieties being sold in the market classified as regular-milled, well-milled, premium, special and fancy. But the most saleable among ordinary consumers are the regular and well-milled varieties that the NFA also sells at lower prices to provide an alternative for the poor and low-income consumers,” dagdag ni Aquino.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang presyo ng regular-milled at well-milled rice ay tumataas ng mula P1 hanggang P2 kada kilo sa pagitan ng buwan ng Disyembre hanggang Pebrero. Pero ayon sa NFA kung ikukumpara ang presyo ng well-milled rice at premium rice sa unang dalawang linggo ng Enero 2018 ay pumapalo lamang ito ng P42.37 kada kilo sa buong bansa at P41 kada kilo sa Metro Manila na mas mababa pa ito sa P43.11 at P43/kg ng well milled rice at premium rice noong 2015.
Tiniyak naman ni Aquino sa publiko na magiging sapat ang suplay ng bigas sa bansa na abot kaya ng masang Pilipino.
- Latest