Umento sa sahod ng mga guro, unahin! – Gatchalian
MANILA, Philippines — Binigyang diin ni Sen. Sherwin Gatchalian na dapat maging prayoridad ng pamahalaan ang dagdag sahod para sa mga guro sa mga pampublikong paaralan sa pagsisimula ng pagbalangkas ng 2019 national budget.
Sinabi ni Gatchalian, vice-chairman ng Senate Education Committee, na hindi natatapatan ng maliit na sahod ng mga guro ang kontribusyon na kanilang naibibigay sa lipunan.
"For much too long now, the modest salaries of teachers have not been commensurate to their critical contributions to society as mentors and role models for the youth of this country,” wika ni Gatchalian.
“Reforming teacher salaries to reflect the true importance of their work should be a top budgetary priority of the government,” dagdag niya.
Nauna rito’y inihayag ng Malacañang na itataas ang sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan kasunod ng umento sa sahod ng mga sundalo at pulis.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ang nasabing plano ay kasama sa ikalawang package ng Tax Reform Acceleration and Inclusion law na nais ipasa ng gobyerno sa unang bahagi ng taong ito.
Kinontra naman ito ni Budget Secretary Benjamin Diokno at sinabing hindi ito prayoridad ng ahensya. Aniya nakatuon sila sa “Build, Build, Build” program ng pamahalaan at sa iba pang programa para sa mga mahihirap.
Dagdag ni Diokno na mangangailangan ang pamahalaan ng dagdag na P500 bilyon na pondo para matustusan ang planong pagtataas ng sweldo ng mga guro.
Sinabi ni Gatchalian na hindi sapat ang kinikita ng mga guro kung isasaalang-alang ang haba at hirap ng kanilang trabaho kahit na sila’y may karagdagang take home pay dahil sa bagong tax reform law.
Dagdag niya, kung kayang taasan ang sweldo ng mga nasa unipormadong hanay ay kayang-kaya din itong maipatupad para sa mga guro.
“If we can double the salaries of policemen and soldiers to compensate them for their hard work and dedication to nation-building, then we can surely increase teachers’ salaries as well,” ani Gatchalian.
Sa kasalukuyan, nakakapag-uwi ang isang guro na nasa entry level o isang public school teacher 1 ng P20,179 na buwanang sweldo sa ilalim ng galary grade 11 ng ikatlong yugto ng Salary Standardization Law.
- Latest