Comelec pinagpapaliwanag ni Bongbong sa ‘square shapes’ sa ballot images

Hunyo 2017 nang magbayad si Marcos ng mahigit P66 na milyong poll protest fee kaugnay ng kanyang protesta sa umano’y malawakang dayaan noong 2016 elections.

MANILA, Philippines — Hiniling ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ang paliwanag ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng mga “square shapes” sa mga ballot images na magpapakita umanong nandaya si Bise Presidente Leni Robredo sa 2016 national elections.

Sa isang pulong balitaan, ipinakita ng kampo ni Marcos ang kanilang kopya ng mga ballot images mula sa Camarines Sur at Negros Oriental na ilan sa mga pilot provinces na kabilang sa kaniyang election protest sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET).

Sinabi ni Marcos na imbes na “oval shapes” ay may mga “square shapes” sa ballot images na katabi ng pangalan ni Robredo.

Aniya, patunay umano ito ng pandaraya sa nagdaang halalan.

“When we voted, we had the oval shapes. How come in the ballot images, the ovals are gone and instead we have the squares. What does this mean?” ani ng dating senador.

“How come in the 2016 elections, there are squares? The ovals are now missing. Comelec should explain this,” dagdag niya.

Paglabag din umano sa election law ang pagkakaiba ng mga orihinal na balota sa mga kopya ng ballot images na kaniyang nakuha galing sa PET na mula sa Comelec.

“They keep on delaying giving us the copies. It has been three months since the ballot images were printed and it was only recently that the PET allowed us to get the soft copies. Now we know why. This is shocking and highly questionable,” patuloy ng talunang vice presidential candidate.

“This is precisely the reason why because they knew we would uncover how they had manipulated the voting and trampled upon the true will of the people on their choice for vice president,” dagdag ni Marcos.

Kinuwestiyon din niya ang hindi pagbibigay-alam ng Comelec at Smartmatic patungkol sa umano’y bagong “feature” sa kanilang sistema

Ipinakita rin ni Marcos ang kopya ng ballot images mula sa mga nabanggit na lalawigan kung saan ang boto ay kinonsidera na “undervote” kahit na umano’y naitiman ang oval sa tabi ng kanyang pangalan.

Dagdag ng senador, ang mga “overvotes” kung saan dalawa ang naiboto sa pagka-bise presidente ay naibibilang pa rin pabor kay Robredo.

“Marami kaming nadiskubre na kapag ako ang ibinoto, hindi binilang at ginagawa lamang na undervotes. Kaya pala mataas ang undervotes sa vice presidency which is more than 3 million. Pero kapag iyong kalaban ko, kahit dapat hindi bilangin sa kanya, sa kanya pa din ang boto,” wika ni Marcos.

Tinalo ni Robredo si Marcos na may 263,473 na kalamangan.

Samantala, iginiit ng kampo ni Robredo na walang nangyaring dayaan sa halalan at hinamon si Marcos na patunayan ang kanyang mga paratang sa Korte Suprema sa pamamagitan ng mga orihinal na kopya ng mga balota at hindi base sa ballot images.

Inaasahang magsisimula ang recount sa susunod na buwan.

Show comments