Mga residente ng Albay binalaan
MANILA, Philippines — Inalerto kahapon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang mga residenteng naninirahan sa palibot ng Mayon volcano sa lalawigan ng Albay dahil sa posibleng pagdaloy ng lahar na idudulot ng mga pag-ulan sa lugar na dala naman ng tail end of the cold front.
Ayon kay Romina Marasigan, tagapagsalita ng NDRRMC, dapat maghanda ang mga residente upang makaiwas sa panganib.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang pag-unti-unting pagputok ng bulkan bagaman hindi naman ito gaanong kalakasan na nagbubuga ng lava, makapal na usok at nagdudulot din ng ashfall sa mga apektadong lugar.
Ayon kay Marasigan, nasa 22,827 pamilya na o kabuuang 88,886 katao ang apektado ng pag-aalburoto ng bulkang Mayon mula sa 56 Barangay sa mga bayan ng Bacacay, Camalig, Guinobatan, Daraga, Malilipot, Santo Domingo gayundin sa mga lungsod ng Tabaco, Ligao at Legazpi City na pawang nasa Albay.
Sa nasabing bilang, sinabi ni Marasigan na nasa 18,365 pamilya o kabuuang 69,672 katao ang kinukupkop sa kabuuang 69 evacuation centers .
Iniulat naman ng Office of Civil Defense (OCD) Region 5 na aabot na sa inisyal na P1.56 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura partikular na ang mga gulay at prutas na nilikha ng pag-aalburoto ng bulkan .
Kabilang sa mga nasirang mga gulay ay ampalaya, sitaw, talong, okra, sayote, sili, kamatis, upo at iba pa.
Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang 9 KM radius permanent danger zone habang nasa alert level 4 naman ang Mayon volcano na nangangahulugan ng posibilidad na malakas at mapanganib na pagputok .
Kaugnay nito, inihayag naman ni Ensign Estella Jane Sasil, Acting Director ng Naval Forces Southern Luzon Public Affairs Office, na pinaghahandaan nila ang ‘major eruption‘ o matinding pagputok ng Mayon volcano.
Inihayag nito na nakahanda na ang tatlong vessels ng NAVFORSOL na nasa bisinidad ng baybayin ng Legazpi City para sa mass evacuation ng mga apektadong residente.
Nabatid na ang bawat barko ng NAVFORSOL ay makakayang magsakay ng 300 katao.