MANILA, Philippines — Hindi maaaring gawin ng House of Representatives na magsayaw ng “cha-cha” na mag-isa dahil labag ito sa Konstitusyon.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maliwanag ang nakasaad sa Saligang Batas na kailangan ang three fourths ng lahat ng miyembro ng Kongreso para amyendahan ang Konstitusyon.
Maliwanag aniya sa Konstitusyon na dalawa ang kapulungan ng Kongreso na kinabibilangan ng Kamara at Senado.
Sinabi rin ni House independent minority leader Albay Rep. Edcel Lagman, na kailangan na magsama o magkita ang dalawang kapulungan at mag-tandem para ipanukala ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Kaya ang kayabangan umano ng liderato ng Kamara na magsosolo sa Chacha sa pamamagitan ng Constituent Assembly (ConAss) ng wala ang Senado ay hindi itinatakda ng Konstitusyon at mababalewala lang.
Dahil dito kaya tiyak na aabot umano sa Korte Suprema ang nasabing usapin para maresolba ang naturang isyu kung saan hindi naman ito kwestyong politikal kundi ang pagsunod sa mandato ng Konstitusyon.
Paliwanag pa ni Lagman, may tatlong paraan para sa pag-amyenda ito ay Constitutional Convention (ConCon), Peoples Initiative at ConAss.
Tinawag naman ni Sen. Panfilo Lacson na ‘pathetic’ at ‘ridiculous’ ang ginagawa ng Kamara.
Pinayuhan pa ni Lacson ang mga kasamahan sa Mababang Kapulungan na basahin ang kabuuan ng 1987 Constitution partikular ang Art. XVII, Section 1 at Art. VI Section 1 tungkol sa Legislative Department.
Maliwanag aniya na ang tinutukoy na Kongreso ay ang Senado at ang House of Representatives kaya malabong mangyari ang nais ng mga congressmen na solong amyendahan ang Saligang Batas.
Nauna nang sinabi ni Speaker Pantaleon Alvarez, na hindi na kailangang mag-convene o joint session ang kongreso para sa Chacha dahil wala namang nakalagay sa konstitusyon ng salitang ConAss.
Sinisi pa ni Alvarez ang mga constitutionalist na sina dating Chief Justice Hilario Davide at Christian Monsod dahil hindi nila inayos ang paggawa ng 1987 Constitution.