Mayon sumabog uli!

Muling nagbuga ng makapal na abo ang Bulkang Mayon kasunod ng dalawang beses na pagsabog nito kahapon. Frenzy Rose Tolentinas

MANILA, Philippines — Nakiusap ang Malacañang sa mga residente na nasa loob ng 8 kilometer extended danger zone (EDZ) sa paligid ng Mt. Mayon na lumikas na at sumunod sa mga awtoridad upang maiwasan ang anumang aksidente matapos dalawang beses sumabog ang bulkan kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dapat nang magtungo sa mga itinakdang evacuation areas sa mga paaralan ang mga residenteng nasa loob ng 8-km EDZ.

Patuloy sa pag-aalburoto ang Mayon at pagbuga ng abo kung saan ay naapektuhan ang ilang mga bayan at lungsod sa Albay at Camarines Sur.

“Danger zone around Mayon extended to 8 km, residents there to vacate the area,” sabi ni Roque.

Samantala, sinabi ni Paul Alanis, senior science research specialist ng Phivolcs na malaki ang posibilidad na maulit ang pinakamalakas na naging pagputok ng Mayon noong Oktubre 1984 na marami ang namatay at napinsa­lang ari-arian sa Albay dahil sa characteristic ng bulkan.

Gayunman, sinabi ni Alanis na marami pang mga parameters na dapat tingnan kung tataas pa ang mga indikasyon para sa pinangangambahang ‘big bang.’

Sa ngayon ay hindi pa rin nila maitaas ang alert level 5 sa kabila nang malalakas na lava fountaining kahapon ng madaling araw na umaabot sa 500-700 metrong taas at mas ma­lakas na pagputok dakong alas-9 ng umaga kahapon at bandang ala-una ng hapon na umabot hanggang 5-kilometrong taas dahil sa hindi pa ito umaabot sa inaasahan nilang ‘sustained eruption’ at hindi ‘sporadic’.

“Dapat umabot sa isang oras na tuloy tuloy na lava fountaining at pagputok ang bulkan bago itaas sa alert 5 ang bulkan,” sabi ni Alanis.

Pinalawig naman ng PDRRMC hanggang sa 9-km ang danger area sa paligid ng Mayon dahil sa patuloy na paglakas ng mga pagputok ng bulkan at pagbuga ng lava at  abo na bumabagsak sa mga bayan sa Albay na lumampas na sa anim na kilometro kahapon.

Lumobo na rin sa 52,207 indibidwal o 12,592 pamilya ang lumikas sa mga evacuation center kung saan pinakamara­ming inilikas ay nagmula sa 5 barangay sa Legazpi City sa takot sa dumadaloy na lava sa Bonga Gully at Buyuan Channel.

Una nang naitaas ng Phivolcs sa Alert Level 4 ang Mayon dahil sa pa­tin­ding pag-aalburoto ng bulkan at kakaibang mga aktibidad na naitatala rito na senyales ng inaasa­hang malakas na pagsabog nito anumang oras.  (Rudy Andal/Angie dela Cruz/Jorge Hallare)

Show comments