Bulkang Mayon, alert level 4 na

Ang nag-aalburotong Bulkang Mayon. (Kuha ni Jorge Hallare)  

MANILA, Philippines — Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert level status ng Bulkang Mayon sa Bicol sa alert level 4 mula sa alert level 3 status.

Ayon sa Phivolcs, ito ay dahil sa pagtaas ng seismic unrest, lava fountaning at summit explosions na aktibidad ng bulkan.

Bunga nito, inilagay na ng Phivolcs sa 8 kilometers radius permanent danger zone mula sa summit vent ang pinagbabawal ng ahensiya na pasukin ng sinuman.

Pinapayuhan ng Phi­volcs ang mga residente doon na maging mapagmatyag sa paligid at huwag hayaan na may makapasok na sinuman sa loob ng danger zone.

Ang mga sasakyang panghimpapawid ay hindi na rin pinapayagan na makalapit sa bunganga ng bulkan dahil sa nakaambang mapaminsalang pagsabog nito. 

Nagpalabas na ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen (Notam) BO286/18 kahapon hanggang ngayong alas-9:00 ng umaga Enero 23, 2017 dahil sa pagtaas ng alerto ng Bulkang Mayon matapos itong sumabog at bumuga ng mga volcanic ash sa himpapawid dakong alas-10:35 ng umaga kahapon.

Ayon sa CAAP, isinara nila pansamantala ang operasyon sa Legazpi Airport at kabilang sa naapektuhang flights ay ang eroplano ng Cebu Pacific’s Manila-Legazpi at Mactan-Legazpi.

Bunsod nito, itinaas sa “red alert status” ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang kanilang alerto sa Mayon volcano.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, ang hakbang ay matapos na itaas na sa “alert level 4” ng Phivolcs ang sitwasyon nang magbuga nang makapal na abo at lava ang bulkan.

Nasa 7,000-8,000 mga pamilya ang tinatayang maililikas ngayon at madadagdagan pa sa 6,000 libong mga pamilyang kasalukuyang nasa mga evacuation centers.

Sinuspinde ang pasok sa mga eskuwela­hang nagbukas ng klase kahapon ng umaga para gawing evacuation area ang mga silid-aralan sa lugar. (Angie dela Cruz/Joy Cantos/Jorge Hallare/Butch Quejada)

Show comments