Alvarez sa bantang zero budget: Nagbibiro lang ako

In this March 13 photo, House Speaker Pantaleon Alvarez speaks with reporters together with President Rodrigo Duterte at the Palace. PPD/Toto Lozano, file

MANILA, Philippines – “Kapag nag-speech ka, kailangan mo ng kaunting biro. Ewan ko ba bakit sineryoso nila ‘yan. Nagbibiro lang ako.”

Ito ang paliwanag ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa banta niya sa mga mambabatas na hindi makakakuha ng pondo kapag hindi sinuportahan ang pagsusulong ng Federalism.

Sinabi ni Alvarez na hindi naman dapat ito seryosohin lalo na’t hindi naman niya ito kayang gawin dahil kailangan pang dumaan ito sa Senado.

BASAHIN: ‘Zero budget’ sa solons na kontra Chacha

Aniya “empty words” ang kaniyang naging pahayag sa oath-taking ng mga bagong miyembro ng PDP-Laban na lumipat mula sa Liberal Party.

“Nagpapasalamat ako na sumama sila sa partido at nagpapasalamat ako na ‘yung kanilang representatives ay nasa majority kaya nga hindi sila kumuha ng zero budget. Hindi naman seryoso ‘yun,” patuloy ni Alvarez.

Sinisi naman ng House Speaker ang mga taong “nag-interpret” ng kaniyang pahayag.

“Yung iba naman putak nang putak alam naman nilang hindi ko magagawa iyon. Kaya lang naman nagiging ganyan kasi ini-interpret nila ng iba. If those words really mean nothing. Empty words. Joke only,” sabi ng kinatawan ng Davao del Norte.

Dumistansya naman ang Palasyo sa banta ng matinding kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi ni presidential spokesman Harry Roque na hindi nga ito magagawa ni Alvarez dahil binubuo ng dalawang grupo ang Kongreso – ang Senado at ang Kamara.

Show comments