Senado at Kamara hiwalay dapat ang boto
MANILA, Philippines — Dapat bumoto ng hiwalay ang Senado at House of Representatives sakaling matuloy ang Constituent Assembly na mangunguna sa pag-amiyenda sa 1987 Constitution.
Ito ang pananaw ng dating dalawang chief justices ng Supreme Court na personal na dumalo kahapon sa pagsisimula ng pagtalakay ng Senado sa isyu ng Charter change.
Ayon kay dating Chief Justice Reynato Puno, mawawala ang pagkakapantay ng Senado at ng House of Representatives kung magkasamang boboto sa Con-Ass ang dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ipinunto naman ni dating Chief Justice Hilario Davide Jr., ang posisyon ng constitutionalist na si Father Joaquin Bernas na dapat magkahiwalay ang gagawing pagboto ng Kongreso sa anumang rebisyon at amendments sa Konstitusyon.
Sa libro rin ni Bernas ipinunto nito na walang nakasaad sa Konstitusyon tungkol sa pagdaraos ng joint session ng Kongreso.
Bagaman at maari aniyang magdaos ng joint session ang Kongreso, nakasaad pa rin sa libro ni Bernas na dapat ay magkahiwalay ang gagawing pagboto ng dalawang kapulungan.
Dahil hindi malinaw o “silent” ang Konstitusyon kung ano ang gagawing paraan, naniniwala si Davide na may kalayaan ang Kongreso kung anong method o pamamaraan ang gagawin nilang botohan.
Sumasang-ayon rin umano si Davide sa sinabi ni Bernas na kahit pa anong pamamaraan ang gamitin, ang mahalaga ay magkahiwalay ang gagawing botohan.
Nauna nang nanindigan ang Senado na hindi sasali sa joint session tungkol sa pag-amiyenda ng Konstitusyon at boboto ng hiwalay tungkol sa Charter change.
- Latest