MANILA, Philippines — Kinasuhan sa Sandiganbayan si Bohol Congressman at dating Agriculture Secretary Arthur Yap kaugnay sa umano’y iregularidad sa pinayagan niyang car loan ng board of trustees ng Philippine Rice Research Institute noong taong 2008-2009.
Bukod kay Yap, na noon ay chairman ng PhilRice board of trustees, sinampahan din ng dalawang bilang ng kasong graft ang mga board member na sina Johnifer Batara, Fe Laysa, William Padolina, Winston Corvera, Gelia Castillo, Senen Bacani, at Rodolfo Undan, dating executive director Ronillo Beronio at dating cashier Fe Lumawag.
Base sa isinampang kaso, nagkasundo umano ang mga akusado nang paboran nila ang 10 empleyado ng PhilRice na mag-car loan sa Philippine National Bank (PNB).
Ang nasabing mga sasakyan umano ay pinarentahan sa PhilRice at ipinagamit sa mga empleyado na nag-car loan at nagpatuloy pa rin ang kanilang pagtanggap ng transportation allowance kahit na binigyan na sila ng sasakyan.
Bukod dito, pumasok din umano ang PhilRice sa holdout agreement sa PNB kaya hindi nito maaaring gamitin ang bahagi ng pondo ng ahensya hangga’t hindi bayad ang mga sasakyan na may kabuuang halaga na P15.78 milyon.
Inirekomenda naman ng anti-graft court ang P30,000 piyansa sa bawat kaso ng graft para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado.