MANILA, Philippines — Inilagay na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Albay matapos makapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng mahigit sa 75 lava collapse at ang agos ay umaabot sa 2 kilometro mula sa bunganga ng bulkang Mayon, kahapon.
Sa kabila nito, sinabi ni Phivolcs Director Renato Solidum na non-explosive eruption na maituturing ang aktibidad ngayon ng bulkan.
Bagama’t inamin ng Phivolcs chief na kung ihahambing noong 2014 kung kailan huling sumabog ang Mayon, mas matindi ang nangyayari ngayon.
Ayon kay Solidum, mas malabnaw ang lumalabas na lava sa bunganga ng bulkan, mas mabilis ang pag-akyat sa crater at pagdaloy nito.
Nilinaw naman ni Solidum na hindi mangyayari sa Mayon ang nangyari noong sumabog ang Mount Pinatubo.
Magkaiba aniya ang komposisyon ng magma sa dalawang bulkan kung saan mas acidic ang bato sa Mount Pinatubo kasi mas marami ang naiipong gas dahilan upang mapanganib kung ito ay sumabog.
Kasabay nito, lumobo na sa 24,752 indibidwal o 6,495 pamilya ang nagsisiksikan sa 21-evacuation center sa mga bayan ng Guinobatan, Camalig, Daraga, Sto. Domingo, Malilipot at sa mga lunsod ng Legazpi,Tabaco at Ligao.
Inaasahang dadami pa ang mga evacuees dahil sa nagpapatuloy na paglilikas at ipinatutupad na forced evacuation.
Maging ang mga alagang hayop ay inilikas na rin upang wala nang dahilan ang mga residente na babalikan pa sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Romina Marasigan, bantay sarado rin sa mga pulis na nagpapatrulya sa nasasakupan ng 7- kilometer radius danger zone upang mapigilan ang mga ito na magbalik pa muli sa kanilang mga tahanan.
Kasabay nang pagdami ng mga nagsisilikas ay ang mga reklamong nagugutom sila dahil walang makain sa mga evacuation center dahil hanggang kahapon ng tanghali ay wala pang ibinibigay na relief goods ang lokal na pamahalaan.
Dahil dito, isang resolusyon ang inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan na humihiling na magamit ang calamity fund ng probinsiya sa lahat ng pangangailangan ng mga evacuees.
Nagdesisyon si Albay Gov. Al Francis Bichara na hindi lang ang mga bayan na direktang apektado ng pag-aalburoto ng bulkan ang ideklara sa state of calamity kundi ang buong lalawigan na dahil sa nakikitang lalong paglakas ng aktibidad ng Mayon na pinangangambahang puputok nang malakas anumang araw.
Related video: