MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na totoong marami na siyang biyahe sa abroad pero ilan sa mga ito ay personal niyang gastos, habang ang iba naman ay sponsored ng host country at may kinalaman sa kanyang trabaho sa PCOO.
Ayon kay Sec. Andanar, nangungunang resulta ng kanyang mga biyahe ang Freedom of Information na napirmahan lamang sa ilalim ng Duterte administration matapos ang 20 taon na ipinaglalaban ito sa kongreso.
Ipinaliwanag din ni Andanar na ang China sponsored trip niya ay nakalikha rin ng mahigit 70 million pesos na halaga ng mga donations para sa PCOO at Radyo Pilipinas para mapaganda ang Philippine Broadcasting System facilities maliban pa sa P150 million na papasok pa lamang.
Idinagdag pa ni Andanar na personal niyang gastos ang biyahe niya kamakailan sa Australia para bisitahin ang kanyang pamilya roon habang ang UAE naman ay stop over lang na sinamantala lamang niya para mabisita at makumusta ang ilang OFW doon kung saan layon lamang niyang masiguro na hindi dehado sa komunikasyon sa ibang bansa.
Binigyang-diin ni Andanar na kahit personal ang biyahe niya sa isang lugar tulad ng Australia ay isinisingit na rin niya ang trabaho sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga Filipino communities.
Ipinaalala rin nito na ang biyahe niya sa America kasama si National Security Adviser Hermogenes Esperon ay bahagi ng pagbibigay-daan sa imbitasyon para maging saksi sa inauguration noon ni President Donald Trump.
Sinabi pa ni Andanar na sa katunayan ay napaka-transparent niya sa kanyang mga biyahe dahil inilalabas niya ito sa kanyang facebook account at sa website ng pamahalaan para makita ng sambayanan.