SC Justice hinikayat ang mga pamilyang naapektuhan na magsampa ng kaso
MANILA, Philippines - Hinikayat ni Supreme Court (SC) Associate Justice Samuel Martires na magsampa ng kasong administratibo ang pamilya na naapektuhan sa pagkakaantala ng survivorship benefits laban sa mga taong inupuan ang kanilang mga claims.
Ito ang sinabi ni Martires, sa pagharap niya sa House Committee on Justice sa impeachment hearing ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno na siyang sumulat ng en banc decision na nagsasama sa mga asawa ng mga nasawing huwes at mahistrado sa mga benepisyaryo para sa survivorship law.
Giit ng Mahistrado na mas makakatulong ang pagsasampa ng kasong administratibo sa mga ito para maalis ang mga walang kakayahang empleyado ng hudikatura.
Idinagdag pa ni Martires na kumilos lang siya matapos na matanggap ang mga kaso subalit tumanggi naman siya na magkomento kung sino ang mga dahilan ng pagkaka-delay dito dahil wala siyang personal na alam tungkol dito.
Matatandaan na inakusahan ni Atty. Larry Gadon si Sereno na dahilan ng delay sa umanoy pagtatatag ng Special Committee on Retirement and Civil Service Benefits at ng Technical Working Group (TWG) para sa survivorship claim ng halos dalawang taon.
Paliwanag pa niya, naitalaga lamang siya sa SC noong Marso 2017 at anuman ang nangyari bago ito ay wala na siyang alam at wala rin sa record kung paano naitatag ang TWG o ang special committee.
Kinumpirma naman ni Court Administrator Midas Marquez na ang special committee ay itinatag ni Sereno, Senior Associate Antonio Carpio at Associate Justice Presbitero Velasco kung saan inirekomenda nila ang TWG na inaprubahan din kinalaunan ng punong Mahistrado.
- Latest