Mayon itinaas sa alert level 2
‘Notice To Airman’ ipinalabas ng CAAP
MANILA, Philippines — Dahil sa magkakasunod na pagsabog kahapon ng Mt. Mayon na sinundan pa ng patuloy na pagbagsak ng abo sa mga bayan ng 3rd Distirct sa Legazpi City, Albay, iniakyat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alert sa bayang ito sa level 2.
Matapos ang unang pagputok dakong alas-4:21 ng hapon kamakalawa, muling nagkaroon ng phreatic explosion ang bulkan dakong alas-8:49 ng umaga na sinundan muli ng pagputok ng alas-10:50 ng umaga kahapon kung saan bumagsak ang toneladang abo sa mga barangay na nasa loob ng danger zone.
Direktang binagsakan ng abo ay ang mga barangay ng Anoling, Sua, Quirangay, Tumpa, Salugan, Cabangan at Ilawod sa bayan ng Camalig. At mga barangay ng Tandarora, Maninila at Travesia sa Guinobatan.
Umabot na sa inisyal na 2,287 katao o 665 pamilya ang lumikas sa mga bayan ng Camalig at Guinobatan.
Nagbigay na rin ng kautusan para sa evacuation si Mayor Krisel Lagman-Luistro ng Tabaco City lalo na sa Brgy. Buang habang inalerto naman ng mga alkalde ng Daraga, Sto.Domingo, Ligao City at Legazpi City ang kanilang mga residente.
Kaugnay nito, ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ay nagpalabas naman ng ‘notice to airman’ o NOTAM upang iwasan ang pagpalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bisinidad nito.
Sa inilabas na NOTAM ng CAAP, epektibo na ito ng 24 oras at posible pang humaba depende sa magiging sitwasyon ng bulkan.
Unang nagpalabas ng NOTAM ang CAAP dakong alas-9:12 kamakalawa ng gabi. Ngunit dahil sa patuloy na pagbuga ng abo ng bulkan, kinailangan ng CAAP na palawigin ito upang maiwasan ang disgrasya.
- Latest