MANILA, Philippines — Tumanggi si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na humarap sa impeachment hearing ni Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali, natanggap na ng komite ang liham ni Carpio kung saan pinaliwanag niya kung bakit hindi siya haharap sa impeachment hearing.
Unang dahilan ni Carpio ay ang kawalan niya ng personal knowledge sa mga isyu kay Sereno na itatanong ng mga kongresista dito.
Partikular umano ang usapin sa pagkakaantala ng resolusyon sa hiling ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na ilipat sa labas ng Mindanao ang kaso ng Maute. Gayundin sa usapin ng pagbuhay ni Sereno sa Court Adminstration Office sa Region 7.
Sinabi ni Umali na ipapaubaya niya sa buong Justice Committee ang desisyon kung tatanggapin ang pagtanggi ni Carpio na humarap sa impeachment hearing.