MANILA, Philippines — Sa wakas, hindi na mabibiktima ng ‘loan sharks’ o sangkaterbang mga utang ang hanay ng 76,000 mga bagitong pulis dahil epektibo sa Enero 15 ng taong ito ay matatanggap na nila ang 100 % umento sa kanilang sahod na ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Chief Supt. Joselito Vera Cruz, Executive Officer ng PNP Directorate for Comptrollership, na doble na ang matatanggap na suweldo ng mga PO1’s mula sa dating P 14,834 noong nakaraang taon ay magiging P29,668 na ang buwanang base pay ng mga ito.
Samantalang ang iba pang mga may ranggong pulis ay makakatanggap naman ng P58.70 % na dagdag suweldo.
“Kita ninyo, yung lowest ranking police officers ang ating binigyan ng priority, apparently, hindi kaya ng budget natin to double the salary of all ranks,” anang opisyal.
Nilinaw naman nito na ang dagdag suweldo ng mga pulis ay ibibigay sa dalawang tranches sa loob ng dalawang taon o mula 2018 at panibagong adjustment sa base pay naman ay sa 2019.
Sa ilalim ng dagdag suweldo ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa taong 2019 ang mga may ranggong SPO4 pataas ay makakatanggap ng karagdagang umento sa sahod.
Sa tala, sinabi ng opisyal na karaniwan ng maraming mga loan o utang ay ang mga pulis na may ranggong PO1 at dahilan doble na ang sahod ng mga ito ay positibo ang PNP na hindi na ang mga ito mabibiktima ng kaliwa’t kanang ‘loan sharks’ kung saan ultimong mga ATM card ay isinasangla pa.
“Siyempre mas lalaki ang kanilang net take home pay so siguro mase-settle na nila mga utang nila and I believe this is the time for them to start their savings,” anang opisyal.
Sa pamamagitan anya ng mas malaking suweldo ay maiiwasan na rin ang gumawa o masangkot sa mga illegal aktibidades ang mga parak.
“Siguro ‘yung mga pulis natin ngayon na nagbabalak gumawa ng mga kalokohan at mga hindi magandang gawa, mag iisip nga sila ngayon, hindi lang twice, thrice maiisip nila ‘yung mawawala sa kanila once na mawala sila sa serbisyo kasi ang hirap maghanap ng trabaho na magpapasweldo sa iyo ng almost P30,000 base pay,” ayon pa kay Vera Cruz.
Itinuturing ng mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines sa Mindanao na isang malaking “morale booster ang pagapruba at paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang Joint Resolution upang itaas ang suweldo ng mga sundalo.
Kasabay nito, pinasalamatan ni AFP-Eastern Mindanao Command Chief Lt. General Benjamin Madrigal Jr. si Pangulong Duterte at ang Kongreso.
Sinabi ni Madrigal na hindi lang ang kanilang “morale” bilang mga public servants ang tumaas dahil sa dagdag-sahod, kundi maging ang kanilang dignidad at karangalan bilang tagapagtanggol ng mamayan.
Bagama’t hindi aniya naglalagay ng presyo ang mga sundalo sa kanilang pagseserbisyo, itinuturing nilang “token of appreciation” sa kanilang pagsasakripisyo ang karagdagang kompensasyon.
Inihayag pa ni Madrigal, malaking tulong ang dagdag sahod para maitaguyod ng mga sundalo ang kanilang mga pamilya, at paghandaan ang kanilang hinaharap.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ng buong AFP si Pangulong Duterte sa umento sa kanilang suweldo na magsisilbing inspirasyon upang pagbutihin pa nila ang serbisyo publiko.