3 lider ng NPA terrorists, sumuko

MANILA, Philippines — Tatlong lider ng tero­ristang New People’s Army (NPA) ang sumuko sa tropa ng militar sa magkakahiwalay na insidente sa Zamboanga del Sur at Davao del Sur kamakalawa at kahapon ng umaga.

Sa ulat ni Lt. Col. Virgilio Hamos, commanding officer ng Army’s 53rd Infantry Battalion sa Camp Sabido, Guipos, Zamboanga del Sur, sumuko  ang 33-anyos na NPA Logistic Officer na si alyas Ka Jaypee ng Squad 3, Team Baking ng Section Committee Kara ng NPA Western Mindanao Regional Party Committee noong Martes.

Isinuko rin ni Ka Jaypee ang AK 47 rifle  na may kargang mga bala.

Kaugnay nito, nanawagan naman si Army’s 1st Infantry Division Commander Major Gen. Roseller Murillo sa iba pang NPA fighters na magsibaba sa kapatagan at sumuko sa batas.

Samantala, ayon naman sa ulat ni Army’s 10th Infantry Division Commander Major Gen. Noel Clement, sumunod namang sumuko  sa tropa ng Army’s 73rd Infantry Battalion ang dalawang lider ng NPA terrorists sa Toril District , Da­vao City noong Miyerkules.

Kinilala ang mga sumuko na sina Randy Atong alyas Ka Andikon, finance at logistics officer ng Andoy at Basil Platoon; at Renie Atienza alyas Ka Ryan, team leader ng First Squad, Basil Platoon ng Guerilla Front 51 ng NPA Southern Mindanao Regional Committee.

Samantala, itinuro naman ng mga nagsisuko ang pinagtataguan ng kanilang mga armas na M14 rifle, M16 rifle  na may nakakabit na M203 grenade launcher na ibinaon sa  masukal na bahagi ng Brgy. Sibulan sa Toril District, Davao City.

Kasalukuyan namang isinasailalim sa masusing tactical  interrogation ang mga sumukong lider ng NPA.

Show comments