MANILA, Philippines — Nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang nasa P120-milyong halaga ng smuggled na bigas sa Zamboanga, Sibugay.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni PCG Officer-in-Charge Commodore Joel Garcia, ang mga nasamsam na smuggled na bigas ay sakay ng barkong M/V-J-SIA na naharang ng kanilang mga tauhan sa Sulu Sea.
Paliwanag ni Garcia, nagsagawa ng intelligence build-up ang Coast Guard upang i-monitor ang mga smugglers.
Ayon kay Garcia, galing ang bigas sa isang foreign vessel na posibleng mula sa Vietnam, at ikinarga ang mga kontrabando sa isang domestic vessel matapos magkaroon ng transfer-at-sea.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PCG upang malaman kung kanino nanggaling at kung sino ang dapat sanang tatanggap ng mga kontrabando.