MANILA, Philippines — Umaabot sa 69 pulis na nahaharap sa ibat-ibang kasong kriminal kabilang na ang pagkakasangkot sa droga at extortion ang nakahanay na masibak sa serbisyo ngayong buwan kaugnay ng puspusang ‘internal cleansing’ o paglilinis laban sa mga scalawags sa hanay ng Philippine National Police (PNP).
Ito ang inanunsyo kahapon ni PNP Chief P/Director General Ronald “Bato” dela Rosa sa press briefing sa Camp Crame.
Sinabi ni dela Rosa na ilalabas ngayong Enero ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang hatol sa kaso ng 69 pulis na ipinatatanggal sa puwesto.
“He (NAPOLCOM Vice Chairman Atty. Rogelio Casurao ) promised Malacañang that the resolutions of these 69 police officers will be submitted for the approval by the President”, ani dela Rosa.
“Before the end of the month dahil inobserve nga natin properly yung due process dahil may minimum number of days, hindi pwede yung issue ka lang ng orders kaagad na dismissed kayo kung walang due process makakabalik kaagad agad”, paliwanag pa ng Chief PNP.
Una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa serbisyo ang lahat ng mga police scalawags kabilang umano ang may ranggong Police Superintendents, kaya ayon kay dela Rosa ay agad itong isinailalim sa ‘summary dismissal proceedings’ at paglilitis ng NAPOLCOM.
Inihayag ni dela Rosa na tinatapos na ng NAPOLCOM ang pagresolba sa kaso upang maisumite sa palasyo ng Malacañang at maisapinal ang desisyon.
Samantalang ang pinakamataas na ranggo sa nasabing bilang ng mga pulis na masisibak ay may ranggong Senior Superindent.