MANILA, Philippines — Dumipensa ang nasibak na Maritime Industry Authority head Marcial Amaro III matapos siyang patalsikin sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa mga biyahe sa ibang bansa.
Sinabi ni Amaro na lahat ng kaniyang byahe palabas ng bansa ay alam ng Transportation department.
Aniya anim sa 21 biyahe niya mula nang maitalaga sa pwesto noong Agosto 2016 ay para sa International Maritime Organization kung saan executive council ang Pilipinas.
"We are actually providing security to our seafarers. There are other countries that are after our position as a major provider of seafarers," paliwanag ni Amaro sa kaniyang panayam sa ANC.
Mula sa 21 biyahe niya, 15 dito ay sagot ng gobyerno habang anim ang sponsored kung saan nasa 50 bilateral agreements on shipping ang naikasa.
Nagtungo rin siya sa isang scholarship for maritime agency heads na ibinigay ng Singapore habang nakapunta rin siya ng Denmark para sa makipagpulong sa shipping association.
"MARINA is an international organization... We are a specialized organization of the government and maritime is an international trade," dagdag niya.
Sinabi ni Amaro na ang kaniyang mga byahe ay para sa ikabubuti ng bansa.
Tanggap naman niya ang hatol sa kaniya ng pangulo.
“I work at the pleasure of the president. I just work and whatever is the decision of the president [I will accept it]," ani Amaro.
Siya na ang ikatlong nasibak dahil sa foreign trips kung saan nauna na sina Presidential Commission on the Urban Poor head Terry Ridon at Elba Cruz ng Development Academy of the Philippines.