MANILA, Philippines — Kinontra ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang pahayag ni Senate President Koko Pimentel sa posibleng term extension ni Pangulong Duterte.
Binuweltahan din ni Alvarez ang oposisyon dahil sa umano’y pagnanais na maghasik ng kalituhan kaugnay sa no-election scenario sa 2019 na ang layunin lamang ay magbigay daan sa transition para sa federal form of government.
Giit ni Alvarez, sinabi na noon ng Pangulo na bababa agad siya sa kanyang pwesto sa sandaling matapos ang kanyang termino.
“Malinaw po ang sinabi ng Pangulo na yung kanyang termino mag-e-end on or before (2022) kasi kung kinakailangan niyang mag-resign bago mag-2022 para ang ating bagong saligang sistema ng gobyerno ay kaya niyang gawin yun,” ayon pa kay Alvarez.
Naniniwala naman siya na paninindigan ng Pangulo ang kanyang salita dahil personal niyang kilala ito at matagal na rin pagod ang Pangulo at kung pupuwede nga lang umano ay bukas tapusin na ang kanyang termino.
Nilinaw naman ni Alvarez na ang sinasabi niyang no-el scenario ay concern ang senatorial elections sa 2019 na orihinal na itinakda para sa senatorial elections at ang mga mananalo dito ay magtatapos ng 2025.
Iginiit pa ng Speaker na kapag nagkaroon ng bagong konstitusyon para sa federal form of government at naratipikahan sa pamamagitan ng isang plebisito na gagawin kasabay ng barangay elections sa Mayo ay mapapalitan nito ang buong istraktura ng kasalukuyang gobyerno na magkakaroon naman ng Legal complications sa mga incumbent senators na magtatapos ang termino sa 2025.
Kaya para maging praktikal umano ay maaaring ikansela na lamang ang 2019 senatorial elections at ang mga senador na matatapos ang termino sa susunod na taon ay maaaring payagang manatili sa kanilang pwesto sa pamamagitan ng hold over capacity kapag nagkaroon ng transition period sa federal form of government o hanggang 2022.