Kapag naitatag ang Federal government
MANILA, Philippines — Handa si Pangulong Duterte na bumaba sa puwesto ng mas maaga kapag naging Federalism na ang porma ng gobyerno.
Inihayag ito ng Malacañang kasunod ng pinalulutang na term extension sa Pangulo sa sandaling matapos ang kanyang termino bilang Chief Executive sa 2022.
“President Duterte has rejected the idea of prolonging his term. The President is considering shortening his term but definitely rejected even the idea of prolonging his term,” pahayag ni Presidential Spokesman Harry Roque sa media briefing sa Davao City kahapon.
Sabi ni Roque, malinaw ang mga naunang pahayag ng Pangulo na hindi ito interesado na pahabain pa ang kanyang termino bagkus ay handa siyang bumaba sa puwesto ng mas maaga kapag naisulong na ang Federalism ng mas maaga.
Ayon kay Roque, makakaasa rin ang taongbayan na magkaroon ng eleksyon sa 2019 taliwas sa pinapalutang ng ilang kaalyadong mambabatas.
Nakasaad anya sa Konstitusyon ang pagsasagawa ng mid-term elections sa 2019 kaya tinitiyak ni Pangulong Duterte na kanya itong ipatutupad bilang “chief implementor” ng batas.
Magugunita na inihayag kamakalawa ni Senate President Aquilino Pimentel III na posibleng magkaroon ng term extension si Pangulong Duterte kung pahihintulutan sa ‘transitory provision’ sa isinusulong na federalism form of government.
“Depend on the transitory provisions. And depends too on when we approve the new constitution. If 2019 then the next three years will be the transitory period. We can extend the president’s term,” sabi ni Pimentel.
Si Pimentel ang kasalukuyang presidente ng ruling party na PDP-Laban kung saan si Duterte naman ang chairman ng partido.
Kung hindi mababago ang Konstitusyon at ang porma ng gobyerno, magtatapos sa 2022 ang termino ni Duterte.
Pero ipinunto ni Pimentel na ang tanging layunin ay ang Pederalismo at hindi ang pagpapalawig ng termino ng Pangulo.