MANILA, Philippines — Pinakamababa na sa nakalipas na limang taon ang recorded firecracker injuries sa pagsalubong sa taong 2018.
Ito ang malugod na ibinalita ni Health Sec. Francisco Duque III, na itinuturing niyang tagumpay ng gobyerno at ilang pribadong sektor sa tulong ng media.
Sa tala ng Department of Health (DOH), 77 porsyento na mas mababa umano ang 191 cases na kanilang nai-rekord mula noong Disyembre 21, 2017.
Nabatid na pinakamarami pa rin sa mga naputukan ay mula sa Metro Manila, na may 115 cases o katumbas ng 60 porsyento. Kasunod dito ang Western Visayas na may 15 cases habang pare-parehong may 13 kaso sa Central Luzon, Calabarzon at Bicol region.
Sa Metro Manila, nangunguna ang Maynila na may 63 injuries, sinusundan ng Quezon City na may 14, pangatlo ang Pasig City na may 11 at anim naman mula sa Valenzuela.
Inaasahang madadagdagan pa ang naturang data, lalo’t ilang report ang hindi nakahabol sa cut off time ng DoH kamakalawa.