MANILA, Philippines — Binalaan kahapon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang publiko sa pagbebenta at paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok kaugnay ng pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay DILG Acting Sec. Catalino Cuy, ito’y upang makaiwas sa disgrasya na maaaring kaharapin ng sinuman na mabibiktima ng mapaminsalang paputok tulad ng pagkaputol ng daliri, kamay, paa, pagkabulag at kung mamalasin ay puwede nila itong ikamatay.
Tinukoy ni Cuy ay ang piccolo na karamihan sa mga naitala ng Department of Health (DOH) na naputukan ay sanhi nito.
“Ipinagbabawal po ang pagbebenta ng Piccolo na isa sa mga pangunahing sanhi ng firework-related injuries sa bansa. Bawal po itong ibenta maging sa mga sari-sari store,” ani Cuy na sinabing dapat maging responsible at maging maingat sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Maliban sa piccolo kabilang pa sa mga ipinagbabawal na paputok ay ang giant whistle bomb, super bading, Goodbye Earth, Atomic big triangulo, judas belt, pla pla, super lolo , watusi at iba pa.
Alinsunod sa batas, ang anumang uri ng paputok na may 2 gramo o 1.3 kutsara ng gunpowder ay mahigpit na ipinagbabawal na gamitin upang maiwasan ang disgrasya.
Sa kabila nito, pinapayagan namang gumamit ng mga fireworks sa mga ‘designated fireworks area” sa iba’t-ibang lugar sa bansa.
Kaugnay nito, inatasan na ang Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Management na magpatupad ng paghihigpit ng batas laban sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok sa pagsalubong ng Bagong Taon.