MANILA, Philippines - Bago pa man ihayag, alam na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbaba sa pwesto ni Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.
Sinabi ng alkalde na tanging ang pangulo lamang ang maaaring tumanggap ng pagbibitiw ni Paolo na nadawit ang pangalan sa isyu ng shabu shipment.
Aniya kasalukuyang naka leave sa opisina ang bise alkalde habang hinihintay pa ang tugon ng Office of the President.
Sinabi ni Duterte-Carpio na hindi na niya sinubukang pigilan ang desisyon ng kapatid at sinuportahan na lamang ito.
Nauna nang sinabi ni Paolo na tatalikuran na niya ang pulitika pagkatapos ng kaniyang termino sa 2019 ngunit napaaga ito.
Nagbitiw sa pwesto ang lalaking anak ng pangulo dahil sa aniya’y nadungisang reputasyon nang mabanggit ang pangalan sa P6.4 bilyon shabu shipment galing China na dumaan sa Bureau of Customs.
My parents never failed to remind me of the values of the time honored principle of delicadeza and this is one of those instances in my life that I need to protect my honor and that of my children,” pahayag ni Paolo.
“I am grateful to all the Dabawneyos for your support to my office and I look forward to the day that I will be able to serve our country again,” dagdag niya.