Caloocan City Hall lilipat na ng bagong gusali
MANILA, Philippines — Nakatakdang lisanin ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang lumang city hall building na itinayo noong 1952 sa A. Mabini Street patungo sa bagong city hall building bukas (Disyembre 19)
Sinabi ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan na ang bagong gawa na walong palapag na gusali na paglilipatan ng city hall ay ang korona sa mga imprastruktura na itinayo sa lungsod sa loob ng limang taon. Inaasahan naman na ito ang magiging legasiya ng alkalde sa kanyang panunungkulan.
Bukod dito, usaping pangkaligtasan din ang isa sa pangunahing dahilan ng pagtatayo ng bagong City Hall building dahil sa hindi na ligtas ang lumang gusali na tinamaan ng ilang maliliit na sunog at kumakalog na ang pundasyon.
Ito ay paghahanda rin sa posibleng pananalasa ng 7 magnitude na lindol na tatama sa Metro Manila base sa pagtataya ng mga eksperto na hindi kayang lagpasan ng lumang gusali at maaaring magdulot ng malaking kapahamakan sa mga kawani.
May walong palapag ang gusali sa higit isang ektaryang lupain sa kanto ng 8th Avenue at 8th Street sa East Grace Park na umano’y world class and standard habang isang commercial center ang itinayo rin sa tabi nito at maliit na parke.
Gumugol ang pamahalaang lungsod ng P800 milyon sa proyekto na higit na mas mura kumpara sa ibang city hall buildings sa ibang lungsod. May 3,000 sq. meter ang floor area ng gusali at tiniyak ng alkalde na may sapat na parking space na isa sa pangunahing problema sa lumang city hall building.
Una namang binuksan sa publiko ni Malapitan ang bagong tayo rin na Caloocan City Sports Complex sa Brgy. Bagumbong na kauna-unahan sa Caloocan na pagdarausan naman ng mga malalaking events.
Matapos ang malalaking proyekto sa iba’t ibang gusali, nangako naman si Malapitan na tututukan ang ibang mga proyekto tulad ng pagsasaayos sa mga sira-sirang kalsada na madalas inirereklamo ng mga motorista.
- Latest