Nanalasa sa Eastern Visayas
MANILA, Philippines — Tatlo katao kabilang ang isang 2-anyos na bata ang nasawi sa flashfloods at landslides dulot ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa pananalasa ng bagyong Urduja sa Eastern Visayas Region.
Kasabay nito, isinailalim na ng lokal na pamahalaan sa state of calamity ang Tacloban City, Leyte at Eastern Samar.
Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, na isang bata ang natagpuang patay sa pagbaha sa bayan ng Mahaplag, Leyte.
Isa ring magsasaka ang namatay at isa pa sa landslide naman sa Biliran.
Ayon kay Jalad, anim na mangingisda ang nawawala, tatlo rito ay mula sa Eastern Samar at tatlo pa sa landslide sa Biliran, Leyte.
Sa anim na nawawala ay nakatanggap sila ng impormasyon na natagpuan na ang tatlong mangingisda sa Dinagat Islands.
Sinabi ng opisyal na bagaman may iba pang mga napaulat na nasawi ay patuloy nila itong bineberipika.
Samantala, apat naman ang naiulat na nasugatan sa landslides sa Leyte, dalawa sa Biliran at dalawa rin sa Tacloban City.
Naitala naman sa 11,102 ang stranded na mga pasahero gayundin ang 52 sasakyan sa iba’t ibang mga pantalan ng rehiyon.
Ayon sa opisyal nasa 38,000 katao ang inilikas sa mga evacuation centers.
Sa report ng Office of Civil Defense (OCD) Region 8, kabilang sa mga inilikas na biktima ay 32, 262 sa Eastern Samar; 2,808 sa Samar; 2,856 sa Northern Samar at 472 sa Leyte.
Inilikas ang mga residente sanhi ng mga pagbaha dulot ng tatlong araw na malalakas na pag-ulan bago pa man magland-fall ang bagyong Urduja nitong Sabado dakong ala-1 ng hapon malapit sa San Policarpio, Eastern Samar.
Kabilang sa mga bayan na apektado ng mga pagbaha ay ang Calbiga, Basey, Marabut, San Jose de Buan, Jiabong, Pinabacdao, San Jorge, Sta. Rita at Talalora; pawang sa Samar; Tacloban City, Carigara, Ormoc City, Palo, Tanauan, Sta. Fe, Alangalang at Matalom; pawang sa lalawigan ng Leyte.
Iniulat rin ang malawakang mga pagbaha sa mga bayan ng Taft, Maslog, Jipapad, Arteche, Gen. MacArthur, Giporlos, Hernani, San Julian, Llorente, Sulat, Maydolong, Taft, at Oras; pawang sa Eastern Samar.
Ang kalamidad ay nagdulot rin ng blackout sa Tacloban City at ilan pang mga bayan sa mga apektadong lalawigan.
Sa Bicol Region, nasa 70 pamilya naman ang inilikas sa mga landslide prone areas sa bayan ng Manito, Albay kahapon kabilang dito ang nasa 170 katao sa Brgy. Cawit at 137 sa Brgy. Buyo.