Extradition ‘niluluto’ na ng gobyerno
MANILA, Philippines — Niluluto na ng pamahalaan ang posibleng pag-aresto at paghahain ng extradition laban kay Communist Party of the Philippines-New People’s Army founder at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) chief political consultant Jose Maria “Joma” Sison kasunod ng pagdedeklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na isang terrorist group ang CPP-NPA.
Sa ginanap na Christmas luncheon ng DFA Press Corps na hinost ng Department of Foreign Affairs (DFA) kahapon, sinabi ni Cayetano na hindi pa lusot si Joma na nasa Netherlands at may political asylum, sa pananagutan matapos ang mga ginagawang pag-atake at pambobomba ng teroristang NPA sa iba’t ibang lugar.
Sinabi ni Cayetano na kapag napatunayan na may kinalaman, at may “conspiracy” o nakikipagsabwatan si Joma sa mga ginagawang karahasan ng NPA sa bansa ay malinaw na kabilang siya sa naturang teroristang grupo na nanabotahe ngayon sa pamahalaan.
Binigyang-diin ni Cayetano na layunin ng Duterte administration na maisulong ang kapayapaan sa bansa.
“Kung walang peace, walang stability at walang development o progress,” ani Cayetano.
Sa kabila umano ng pagsusulong ni Pangulong Duterte sa minimithing kapayapaan lalo na sa Mindanao, ang CPP-NPA-NDF umano ay hindi tumutupad sa usapan at kasunduan lalo na sa mga idinedeklarang “ceasefire”.
Sinabi ni Cayetano na sa tuwing may tigil-putukan tila pinipitik naman ng NPA ang “tenga” ng pamahalaan kung saan patuloy ang isinasagawa nilang pag-atake, paghingi ng revolutionary tax, pagdukot, panununog sa mga proyekto ng DOTr, DPWH at tuluy-tuloy ang kanilang recruitment ng bagong mga miyembro para palakasin ang kanilang grupo.
“Paano ka naman hindi maiinis, eto hindi pitik sa tenga kundi patayan,” ani Cayetano.
Sa kabila umano ng pagbibigay ng Cabinet position, ang direktang pakikipagdayalogo ng Pangulo sa mga opisyal ng CPP-NPA at pagiging bukas ng pintuan ng Malacañang sa mga makakaliwa, hindi umano maintindihan ng gobyerno ang tinatahak na direksyon ng nasabing grupo na nagsasagawa ng terorismo.
Magugunita na mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang naghayag na kanyang ipaaaresto ang mga napalayang mga miyembro ng makakaliwang grupo kasunod ng pagdedeklara nito bilang terrorist group ang CPP-NPA.
Dahil dito, inakusahan naman ni Sison si Duterte na siya mismong nananabotahe sa peace talks sa mga rebeldeng komunista.
Sa kanyang post sa NDFP account ng nakaraang buwan, ang Pangulong Duterte umano ang pumipigil sa usapang pangkapayapaan at sa ikalimang round sana ng formal talks sa Norway.