MANILA, Philippines — Pumalo na sa mahigit 3,000 katao ang napeperwisyo ng bagyong Urduja kung saan na-stranded ang mga ito sa mga pantalan sa Eastern Visayas at Bicol Region.
Sa pinakahuling ulat mula kay PCG Spokesman Capt. Armand Balilo, sa Port of Looc ay stranded ang 54 na pasahero, 1 sasakyang pandagat at 24 rolling cargoes habang sa Port of San Isidro ay 52 passengers at 9 rolling cargoes. Sa Port of Jubusan naman 188 passengers at 13 rolling cargoes ang stranded dulot pa rin ng sama ng panahon.
Sa Bicol Region sa Port of Virac ay may 326 pasahero ang naistranded, 1 vessel at 46 rolling cargoes habang sa Port of Masbate 10 pasahero, 24 rolling cargoes, isang sasakyang pandagat at dalawang motor bancas ang hindi pinabyahe dahil sa bagyong Urduja.
Pinakamaraming na-stranded sa Port of Matnog na may 2,149 pasahero, 253 rolling cargoes at mahigit isang dosenang bangkang de motor.
Pinayuhan ni Balilo ang lahat ng PCG units na tiyakin na mahigpit ipatupad ang panuntunan sa paglalayag sa mga sasakyang pandagat sa oras ng may sama ng panahon.
Sa report ng PAGASA, ang sentro ni Urduja ay namataan sa layong 90 kilometro silangan timog silangan ng Guiuan, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometro bawat oras at pagbugso na umaabot sa 80 kph.
Nakataas ang Signal no. 2 sa Eastern Samar, Samar, Biliran at signal no 1 sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Masbate at Romblon sa Luzon gayundin sa Northern Samar, Leyte, at Southern Leyte, Northern Cebu kasama na ang Bantayan Island, Capiz, Aklan at Northern Iloilo sa Visayas.