Sereno pinagkaisahan ng mga justices

MANILA, Philippines — Mistulang napagkaisahan ng mga mahistrado ng Korte Suprema si Chief Justice Maria Lourdes Sereno kung saan inireklamo nila ang naging ugali at pagi­ging tila diktador ng Punong Mahistrado na umaakto at nagdedesis­yon na mag-isa at isinantabi ang en banc sa mga desis­yon ng Supreme Court (SC).

Sinabi ni Associate Justice Teresita Leonardo de Castro mula nang maupo si Sereno sa SC ay nagkaroon na siya ng kaugalian na magdesisyong mag-isa nang hindi kinukunsulta ang en banc.

Pinagsabihan pa umano ni de Castro si Sereno para hindi na maulit pa muli ang mga pagkakamali sa loob ng limang taon subalit hindi siya nakinig at paulit-ulit pa rin ang hindi pag-respeto at pagbibigay courtesy sa court en banc.

Sa pagdinig ng House committee on justice, nagtanong si Deputy Speaker Ferdinand Hernandez kung hindi ba naiinsulto ang mga justices sa ganitong patakaran ni Sereno.

Sinabi naman ni retired Associate Justice Arturo Brion na dahil hindi kinonvene ni Sereno ang  Ethics Committee ay walang naging paraan ang mga justices na ipaabot ang kanilang sentimyento hanggang sa mauwi na ang lahat sa negatibong sentimyento ng SC sa Punong Mahistrado.

Sinabi ni Justice Francis Jardeleza na 15 ang justices ng SC at hindi lamang si Sereno ang en banc kaya igigiit nila na ang rule of law ang masunod.

Ilan sa mga inirereklamo kay Sereno ay ang pagharang nito sa unang appointment sa SC ni dating Solicitor General Francis Jardaleza, ikalawa ay ang pagtatag ng Regional Court Administrator’s Office (RCAO) sa Region VII ni Sereno na walang pahintulot ng en banc, ikatlo ang mabagal na paglipat ng Maute case sa Taguig City, ang mabagal na pag-aksyon sa Survivorship benefits at ang kontro­bersiyal na pagbabago sa Temporary Restraining Order para sa senior citizens partylist.

Show comments