MANILA, Philippines — Iginiit ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa pamahalaan na agad resolbahin na sa lalong madaling panahon ang isyu ng jeepney phase out sa bansa.
Ito ayon kay Atty Ariel Inton, founding President ng LCSP ay dahil ang sambayanang Pilipino lamang ang palagiang apektado ng naturang hakbang.
“Tuwing nakaakma ang pagtitigil pasada ay ang naaapektuhan nito ay ang mga mananakay at kapag may ipapatupad ang pamahalaan ng polisiya sa transportasyon ay ang mga mananakay pa rin ang magdadala dito,” pahayag pa ni Inton.
Binigyang diin ni Inton na dapat sana’y unahin ng pamahalaan ang kapakanan ng mga mananakay sa usaping modernisasyon ng transport system.
Sinabi rin ni Inton na kung walang sasakay sa mga dating jeep ay kusang-loob umanong titiklop ang mga operator at magpapalit na ng bagong unit.
Nanawagan din ang LCSP sa PISTON na bagamat karapatan nito magsagawa ng anumang mapayapang kilos-protesta laban sa jeepney phase out ay mas makakabuti aniyang tumulong na lamang ito na makahanap ng paraan na magkaroon ng ‘win win solution’ sa usaping ito.