Sereno idiniin ni de Castro
MANILA, Philippines — Mistulang nadiin si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mga bintang sa kanya ni Atty. Larry Gadon dahil sa pagtestigo ni Associate Justice Teresita de Castro at Court Administrator sa impeachment hearing sa Kamara.
Isinalaysay ni de Castro sa House Committee on Justice ang kanyang memo kay Sereno dahil sa paglikha nito ng Judiciary Decentralized Office (JDO) sa Region 7.
Giit ni de Castro, ang pagtatag ng JDO ay taliwas sa resolusyon ng en banc para sa revival ng Regional Court Administration Office (RCAO) sa nasabing rehiyon subalit nagulat na lamang sila ng inimbitahan na sila sa launching ng JDO nang hindi idinaan sa konsultasyon.
Idinagdag pa niya na misleading pa umano ang imbitasyon sa launching ng JDO dahil ang nasa imbitasyon ay revival ng RCAO.
Ang pagtatatag umano ng RCAO ay pang isang taon lamang ang operasyon subalit ang JDO na itinatag ni Sereno ay tatagal hanggang sa panahon na i-revoke na niya ang administrative order.
Ang RCAO na matatagpuan sa Cebu ay itinatag noong 2006 nang panahon ni dating Associate Justice Artemio Panganiban para siyang mamahala sa administration at financial management para sa may 150 judges at 1000 court personnel sa Region 7.
Bukod dito, itinalaga rin ni Sereno bilang pinuno ng JDO si Geraldin Econg na hindi naman sakop ng court administrator at walang kaalaman sa administration ng korte.
Kinatigan din umano ng en banc ang memo ni de Castro at bagamat hindi tuluyang isinantabi ang Administrative Order No. 12-11-9-SC ni Sereno ay malinaw umanong pagbara ito ng Korte Suprema sa Punong Mahistrado sa paraang hindi naman siya tuluyang mapapahiya.
Iginiit din ni de Castro na hindi nito siniraan o planong pabagsakin si Sereno sa kanyang memorandum laban sa AO ng punong mahistrado kaugnay sa paglikha ng RCAO sa Region 7, kundi’y nais lamang nitong itama ang maling ginawa ng chief justice.
Sa kabila nito nilinaw naman ng mahistrado na respetado niya si Sereno subalit wala silang kapangyarihan na magtatag ng isang permanenteng tanggapan dahil trabaho na ito ng lehislatura.
Nilinaw din ni House Majority Leader Rudy Fariñas na sinakop na rin ni Sereno ang tungkulin ng kongreso dahil sila lamang ang may kapangyarihan na magtatag ng mga tanggapan ng gobyerno.
- Latest