SC inabot ng 50 araw bago umaksiyon sa kaso ng Maute

Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pagharap niya sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaint ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno. File

MANILA, Philippines — Inabot ng 50 araw bago naaksyunan ng Korte Suprema ang kahilingan ng Department of Justice (DOJ) na ilipat sa labas ng Mindanao ang kaso ng mga miyembro ng Maute group.

Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pagharap niya sa pagdinig ng House Committee on Justice kaugnay sa impeachment complaint ni SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Sinabi ni Aguirre na una siyang sumulat kay Sereno noong Mayo 29, 2017 para hilingin na ilipat ang mga kaso ng Maute members sa Luzon o Visayas dahil nanganganib ang buhay ng mga prosecutors na may hawak ng kaso.

Subalit sa halip na sa Luzon o Visayas ay sa Cagayan de Oro lamang inilipat ng SC ang venue ng kaso.

Kaya noong Hunyo 13 ay humingi ng reconsideration ang DOJ sa hudikatura para magsagawa ng inquest proceedings, preliminary investigation at trial ng kaso laban sa mga hinihinalang mga terorista sa ibang lugar at inihalimbawa pa ang kampo ng military sa Cagayan de Oro ang tamang pasilidad para pagpiitan sa mga suspek.

Kinabukasan ay sumulat umano ulit si Aguirre sa punong mahistrado at sinabing ang Regional Trial Court (RTC) sa Taguig ang maaring humawak ng kaso.

Subalit pinayuhan umano siya ni Sereno sa kanilang pagpupulong na dalawa na “i-tone” down ang kanyang mga liham at igiit na lamang na ang makabubuting ilipat sa labas ng Mindanao ang trial sa Maute cases upang makapag-focus ang mga sundalo sa paglaban kontra sa nasabing teroristang grupo na sinunod naman niya sa kanyang liham noong Hunyo 19.

Muli umanong lumiham si Aguirre kay Sereno noong Hulyo 3. Sa halip naman umano na isama sa agenda sa en banc ang kanyang request noong Hunyo 20 ay na-delayed pa ito ng isa pang linggo dahil absent si Sereno at muli lamang itong napag-usapan noong Hunyo 27.

Dahil dito kaya hiniling ni Justice Committee chairman Reynaldo Umali kay Aguirre na bigyan sila ng kopya ng sulat niya kay Sereno.

Show comments