MANILA, Philippines – Pinasinungalingan ng anak ni Eldon Cruz, bayaw ni dating Pangulo Benigno Aquino III, ang sulat sa Department of Public Works and Highways kaugnay ng umano’y road scam.
Sinabi ni Jiggy Cruz na malayo ang itsura ng lagda sa sulat na ipinakita sa pulong balitaan ng Deparment of Justice kahapon.
"That's not his signature. It is not even remotely close to it,” pahayag ni Jiggy. “We live in a time of lies and fake news and I can't believe it's reached this point. It's just totally ridiculous.”
Inakusahan si Eldon, asawa ng kapatid ni Aquino na si Ballsy, na nasa likod ng P8.7 bilyon road right-of-way scam sa General Santos City.
Ipinakita ng whistleblower na si Roberto Catapang Jr. ang liham umano ni Eldon kay DPWH Secretary Rogelio Singson upang iendorso ang pagbabayad kay noo’y Budget Secretary Florencio Abad.
Dahil dito ay inilagay sina Abad, Singson at 41 iba pa sa immigration lookout bulletin.