Kiko sa pagkakaabswelto ni Faeldon: Gaguhan na talaga!

In this Sept. 8, 2017 photo, former Customs chief Nicanor Faeldon ushers reporters to his home where he would hold a news conference over accusations against him for his supposed involvement in the entrance of P6.4 billion worth of illegal drugs. STAR/Michael Varcas

MANILA, Philippines – Ikinagalit ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pagkakaabswelto ni dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa P6.4 bilyon shabu shipment mula China.

Kinwestyon ni Pangilinan ang kasalukuyang administrasyon dahil sa tila pagpoprotekta sa kanilang mga kakampi sa kabila ng kampanya laban sa ilegal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Gaguhan na talaga! Kapag kakampi pinapalusot. Kapag katunggali iniipit,” sabi ng senador sa kaniyang Twitter account. “Akala ko ba galit sila sa droga?”

Nasa 500 kilo ng shabu ang lumusot sa Customs kung saan dumaan pa ito sa green lane nitong Mayo. Naungkat sa pagdinig ng Senado na may Davao group ang umano’y may hawak nito. Nabanggit din ang pangalan ng anak ng pangulo na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at manugang niyang si Mans Carpio.

“Kapag maliit na tao at ilang gramo ng shabu pinapatay. Kapag tone-toneladang shabu pinapalusot. Peke ang drug war ng administrasyon na ito,” patuloy ni Pangilinan.

Ikinagulat din ng kaalyado ni Pangilinan na si Sen. Bam Aquino ang pagkakaabswelto ni Faeldon na isang masugid na taga-suporta ng pangulo.

"Kakaiba iyan. Sa aming pagdinig sa Senado, kitang-kita na hindi mangyayari ang pagpasok ng droga sa bansa kung walang kasabwat sa loob ng BOC. It takes two to tango," ani Aquino sa isang panayam sa radyo.

"Whether pinapasok iyan dahil kasangkot sila, o dahil sa corruption dahil nasilaw sila sa pera. Whatever the case, liable pa rin sila at kasama pa rin sila sa nagpasok ng droga sa bansa," dagdag ng senador.

Iginiit ni Aquino na inirekomenda sa draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na kasuhan ang ilang Customs officials, sa pangunguna ni dating commissioner Nicanor Faeldon.

Show comments