Mahihirap kawawa sa pagtataas ng buwis – Bam

MANILA, Philippines – Nagbabala si Sen. Bam Aquino na mauuwi ang planong pagtataas ng buwis sa mas mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin at iba pang serbisyo kung saan ang mga mahihirap ang lubos na maaepktuhan.
Dahil walang sapat na bilang para hadlangan ang pagpasa nito, sinabi ni Aquino na ang tanging magagawa ng minorya ng Senado ay pagaanin ang epekto nito sa publiko.
"Alam naman natin na ang pagtaas ng bilihin ay napakasakit sa bulsa ng maraming Pilipino," pahayag ni Aquino sa isang panayam sa radyo.
"Kaya sinisikap naming siyasatin ang lahat ng probisyon. Ang binabantayan namin sa minority ay masiguro ang mga benepisyo sa tao, tulad ng pagkakaroon ng bagong bracketing sa personal income tax," dagdag ng senador na vice chairman ng Committee on Ways and Means.
Sinabi ni Aquino na kailangan munang tiyakin ng gobyerno na maayos ang unconditional cash transfer program bago ipataw ang mga bagong buwis na magpapataas ng presyo ng bilihin.
Aniya, kailangang matiyak na mayroong makukuhang tulong kada buwan mula sa pamahalaan ang mga mahihirap na pamilya upang mabalanse ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Inihain ni Aquino ang Senate Bill No. 697 na naglalayong baguhin ang kasalukuyang income tax bracket na itinakda ng National Internal Revenue Code na noong 1997 pa naipasa.
Pakay ng panukala na amyendahan ang Section 24 ng National Internal Revenue Code of 1997, sa pamamagitan ng pagbago sa antas ng net taxable income at pagpapasimple ng nominal tax rates na ginagamit sa pagkuha ng individual income tax.
Kapag naisabatas, sinabi ni Aquino na mababawasan ang buwis ng 22 milyong manggagawang Pilipino.
- Latest