Ipapahiya lang daw
MANILA, Philippines — Hindi haharap ngayong araw sa pagdinig ng House Justice Committee si Supreme Court (SC) Chief Justice Maria Lourdes Sereno para sa impeachment complaint laban sa kanya.
Sa 3-pahinang liham ni Sereno na isinumite ng kanyang abogado sa House Justice Committee na naka-address kay Chairman Reynaldo Umali, nagpasalamat ang punong mahistrado sa imbitasyon sa kanya ng komite.
Subalit ipinababatid nila na si Sereno sa pamamagitan ng Special Power of Attorney o SPA, ay kakatawanin ng 11 mga abogado sa pagdinig kabilang na dito sina Atty. Alexander Poblador, Dino Vicencio Tamayo, Anzan Dy, Justin Christopher Mendoza, Carla Pingul, Sandara Mae Magalang, Jayson Aguilar, Oswald Imbat, Enrico Edmundo Castelo II, Charles Richard Avila Jr. at Patricia Gerladez,
Ayon kay. Atty Josa Deinla, tapagsalita ng punong mahistrado na bahala na ang naturang mga abogado sa magiging diskarte sakaling totohanin ng Kamara na hindi sila papasukin sa hearing ngayong araw.
Nakasaad din sa naturang liham na hindi na kailangang humarap sa hearing ni Sereno dahil naipaliwanag na niya ang kanyang mga panig sa isinumite niyang reply sa complaint ni Atty. Larry Gadon.
Sa pagdinig ngayon araw ng komite ay aalamin ang determination of probable cause sa impeachment case ni Sereno.
Ayon naman sa mga source sa staff ng mga kongresista, “formality” na lang daw ang hearing na ito at walang ibang pakay kundi siraan at hiyain si CJ Sereno.
Dagdag pa ng isa sa tatlong source, ang unang tetestigo laban kay Sereno ay isang Psychologist na isisiwalat ang psychological profile ng nasasakdal. Papalabasin umano na may diperensiya sa pag-iisip si Sereno.
Kasunod daw nito ay isang specialist na dalubhasa sa “Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN)” na magbibigay ng isang presentation sa mga teknikalidad ng pag-file ng SALN. Hinihinala ng mga source na susubukang gawing isyu ng SALN expert ang luxury vehicle na ginagamit ni Sereno.
At ang huli umanong magsasalita ay si Associate Justice (AJ) Teresita de Castro. Isa umano si de Castro sa mga nilaktawan ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong ma-appoint si Sereno bilang CJ noong 2012.
Ang testimonya raw ni de Castro ay ita-tratong parang privilege speech, isang pribilehiyo na binibigay sa mga kongresista at senador tuwing may session. Sa kanyang talumpati, puwede siyang magsalita ng kahit ano, totoo man o hindi, at hindi siya maaaring ma-habla, o maparusahan.
Ang congressional hearing ay nakatakdang magsimula ngayong araw at nais daw na matapos ang pag-impeach kay Sereno bago mag-Disyembre 16.