MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang mahahalagang achievement ng katatapos na 31st ASEAN Summit and Related Meetings kung saan siya ang nagsilbing chairman.
Sa closing ceremony sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City kamakalawa ng gabi, sinabi ni Duterte na pangunahin sa mga nakamit ng bansa sa summit ay ang ASEAN Consensus on the Promotion and Protection of the Rights of Migrant Workers na kanilang nilagdaan.
Ayon kay Pangulong Duterte, makasaysayan ang governmental document para mapalakas ang social protection, pagkamit ng hustisya at makakuha ng serbisyong pangkalusugan ng mga migrant workers kabilang na ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ASEAN region.
“We have finally completed and signed moments ago the ASEAN Consensus on the (Promotion and Protection) of the Rights of Migrant Workers. This historic governmental document is our promise to our people to strengthen social protection, access to justice, humane and fair treatment, and access to health services, among others,” wika ni Pangulong Duterte.
Sinasabing 10 taon nang isinusulong ng Pilipinas ang nasabing kasunduan at ngayon lamang napagtibay.
Samantala, isa pa sa kanilang kasunduan na isinasapinal na ay ang Code of Conduct (COC) of Parties in the South China Sea. Nagpapatuloy ngayon ang trabaho ng mga ministers para sa ganap na pagkakabuo ng COC bago lagdaan ang nasabing binding agreement.