BATAAN, Philippines — Tinatayang aabot sa P.5 milyong pabuya ang inilaan ni Bataan Governor Albert Garcia sa sinumang makapagtuturo sa suspek sa pagpatay sa magkasintahan na namamasyal lamang sa Wetland Resort sa Barangay Tortugas sa Balanga City, Bataan noong Sabado ng hapon.
Nabatid na nairita si Governor Garcia na brutal na pagpatay sa magsyota at hindi nito palalagpasin ang ganitong krimen na sinasabing durugista ang mga suspek.
Base sa tala ng pulisya, brutal na pinatay ang magsyotang sina James Karl Valencia Guzman, 19, ng Wawa Abucay; at Glory Mae Arbonel, 22, ng Ala-Uli Pilar at kapwa nagtatrabaho sa kilalang fastfood chain sa nasabing lungsod.
Sinasabing nanlaban si James Karl pero pinalo ito ng sagwan sa batok kaya nawalan ng ulirat habang pinilahan naman ng mga suspek si Glory Mae sa bangka saka pinatay.
Ayon pa sa ulat, itinapon na lang ang dalawa sa malalim na bahagi ng karagatan kung saan kinabukasan nakita ng mga mangingisda ang bangkay ni Karl na palutang-lutang sa bahagi ng Camachille Orion.
Samantala, ang mga labi naman ni Glory ay natagpuan sa bahagi ng karagatan ng Bay Park Tortugas.
Kaugnay nito, pinalawak pa ni Bataan Police Director P/Senior Supt. Benjamin Silo Jr. ang imbestigasyon na may mga natukoy na silang suspek na pansamantalang hindi isiniwalat ang pagkakakilanlan.