MANILA, Philippines — Umaasa pa rin si Senator Manny Pacquiao na magiging ganap na batas ang kanyang panukala na naglalayong ipagbawal sa lahat ng mga incumbent government officials ang paglalagay ng kanilang mga pangalan at signage na nag-aanunsiyo ng kanilang proyekto.
Ayon kay Pacquiao, hanggang sa ngayon ay hindi pa rin tumitigil ang mga opisyal ng gobyerno sa paglalagay ng kanilang pangalan sa mga proyektong pinopondohan ng buwis ng taumbayan.
Naniniwala si Pacquiao na “unethical” ang nakagawian ng asal nang ilang opisyal na gobyerno kaya sila natatawag na epal.
“Although these government projects are facilitated by their office, the fact remains that these are funded by the tax levied from Filipino people. In colloquial term, these public officials are referred to as “epal” or credit-grabbers and attention-seekers,” dagdag pa ni Pacquiao.
Nais ni Pacquiao na patawan ng multang mula P100, 000 hanggang P1 milyon ang mga lalabag sa panukala kapag naging ganap na batas.
Bukod sa multa, nais din ni Pacquiao na ipataw ang “absolute perpetual disqualification” sa mga lalabag sa ikalawang pagkakataon.