Dredging ship ng China patungong WPS

MANILA, Philippines — Naalarma kahapon ang isang kongresista at ng Department of National Defense (DND) sa paglulunsad ng isang mala­king dredging vessel ng China na itinuturing na Asia’s most powerful Island maker malapit sa pinag-aagawang mga isla sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Magdalo Rep.Gary Alejano, nakakatakot umano ang bagong dredging vessel ng China na Tian Kun Hao  dahil bukod sa napakalaki nito ay mabilis din ang kapasidad nito sa dredging at pag reclaim ng mga isla.

Dahil dito, nagbabala si Alejano na  ngayong may dagdag sa  maritime arsenal ng China ay tiyak na lalo na itong magiging agresibo sa pag- aangkin ng teritoryo sa West Philippine Sea o South China Sea.

Magiging napakadali na umano para sa China ang magtayo ng artificial island at mag reclaim ng mga Bahura o Reef.

Ang Tian Kun Hao na kasing-laki ng 9 na basketball courts ay kaya umanong maghukay ng hanggang 6,000 cubic meters at kayang humukay ng hanggang 35 meters na lalim. May kapasidad din umano ito para humukay sa isang lugar at mag-refill sa isa pang lugar nang hindi na kailangang ibiyahe ang landfill materials sa ibang lugar.

Giit ni Alejano, patunay ang kakayahang ito na propaganda lamang ang pahayag ng China na hindi na ito mangkakamkam ng teritoryo sa West Philippine Sea.

Kaya  sa pagkakataong ito ay kailangan na umanong magkaroon na ng malinaw na direksyon ang bansa para panindigan ang soberenya at teritoryo nito sa West Philippine  Sea  bago maging huli ang lahat.

Dahil dito, nabahala ang DND dahil sa ulat na paglalayag ng Chinese dredging ship patungo na sa Pagasa Island, isa sa mga inookupang isla ng Pilipinas sa pinagaagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kanilang bene-beripika na ang naturang ulat.

“We have reports that they launched their big dredger, but we don’t know where it is going. We are constantly monitoring the movement of this ship,” pahayag ni Lorenzana sa ika-78 anibersaryo ng pagkakatatag ng Department of National Defense (DND).

Show comments