MANILA, Philippines — Dalawang resolusyon na ang inihain sa Kamara para imbestigahan ang umano’y iregularidad na kinasasangkutan ng apat na opisyal ng Social Security System (SSS).
Unang inihain kahapon ang House Bill 1433 na iniakda ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone at ang House Bill 1434 ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate.
Nakasaad sa resolusyon ni Evardone, ang House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang mag-iimbestiga sa stock trading ng apat na opisyal ng SSS habang ang House Committee on Good Government and Public Accountability naman ang pinagsisiyasat ni Zarate.
Malinaw umano na nagkaroon ng “conflict of interest” sa panig ng apat na opisyal ng SSS na sina Rizaldy Capulong, Reginald Candelaria, Ernesto Francsico Jr. at George Ongkeko. Ito ay nang gamitin umano nila ang stock brokers ng SSS para makakuha ng impormasyon para sa trading ng sarili nilang stocks.
Giit ni Evardone, may pananagutan sa batas ang mga opisyal na ito dahil sinamantala ang kanilang posisyon para sa pansariling interes habang nawalan ng oportunidad ang SSS na kumita.